0 Ano ang ibig sabihin ng WIKA?


Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Ginagamit ang pamamaraang ito sa pagpapaabot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isa rin itong likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng mga sagisag sa paraang binibigkas. Sa pamamagitan nito, nagkakaugnayan, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.
Ang wika'y kasangkapang ginagamit ng lahat ng uri o antas ng tao sa lipunan. Nagagamit ito sa iba't - ibang aspekto ng pamumuhay ng tao; pang- ekonomiya, pangrelihiyon, pampulitika, pang-edukasyon at panlipunan. Ang wika'y nawawala at namamatay kung nauubos o umuunti ang minoryang pangkat na gumagamit ng nasabing wika ngunit patuloy naman itong lumalaganap, umuunlad at nagbabago kasabay ng pag-unlad ng mayoryang pangkat na gumagamit nito.